Miyerkules, Mayo 27, 2015

Isang Dapit-hapon

Ang araw ay pansamantalang
Lulubog dito at doon ay gagawi
Sa kabilang dako ng daigdig
Upang liwanag niya’y ibahagi

Kasabay ng kanyang pag-ngiti
Ay ang pagsambit niya ng “hanggang sa muli”
Bilang panghuling pagbati
Sa pagpasok ang takip-silim

Ngayon, sa gabing hahalili
Ang buwan sa ulap sana’y hindi magkubli
Upang ang hiram nitong liwanag sa araw
Ay siyang ilaw sa magdamag na magsisilbi

Oh araw na nasa langit
Ilaw ka ng buong daigdig
Gabay ka ng mga tulad kong
Hindi lang minsan sa buhay ay nalihis

Bukas sa muling pagsikat mo
Ay nais kong halikan mo’ko sa pisngi
At iyong bulungan sana katulad ng lagi
Ng “magandang umaga” bilang paunang pagbati


Ngunit sa susunod mong pagdating
Kung sakali mang hindi na ako magising
Para sa mapapalad na mananatili pa
Ang siya ko na lamang hiling

Sa bawat bukang-liwayway sanang sasapit
Pag-asa ang ihandog mo mula sa langit
Upang dito sa mundong aking lilisanin
Liwanag sa bawat puso ang siyang maghahari

2 komento:

  1. Magandang araw po sa inyo Lakay Promdi! Ako po ay isang mag-aaral sa San Beda University at lubos na napahanga po ako sa mensaheng nais iparating ng inyong tula. Alinsunod po rito ay ninanais po naming gamitin ang ilan sa mga piling na saknong ng inyong tula upang maging bahagi ng mga saknong ng aming binuong kanta. Ito po ay gagamitin namin sa aming Performance Task bilang "theme song" sa asignaturang "Theology" na naglalayong bumuo ng isang "infomercial" na nakaayon sa sampung utos ng Diyos. Ang pamagat po ng aming gagawing infomercial ay pinamagatang "Dapithapon" kung kaya't akmang akma po ang tema ng inyong tula sa aming gawaing ito. Ninanais po namin ang inyong taos-pusong pagsang-ayon at pahintulot upang maging makabuluhan ang aming gawain. Sisiguraduhin po namin na mabibigyan po kayo ng tamang pagkilala sa aming gawain. Maraming salamat po!

    TumugonBurahin
  2. magandang araw po. una po sa lahat ay nais ko lang din pong magpasalamat sa inyong paghanga sa isa sa aking mga tula. nagagalak din po ako na maging bahagi ito ng inyong proyekto. good luck po sa inyo and God bless you always. :)

    TumugonBurahin