Linggo, Hunyo 14, 2015

Paraan



PARAAN

Namulatang ganito
Namulat sa paliko
Mamulat sa matino
Sumambulat nang patago

Umiwas mabigo
Sa taliwas nagtungo
Sa totoo sumuko
Sa bulaan humango

Tumiwarik sa paglaki
‘di nakabalik pauwi
Sa mapang-aliw nawili
Iniyakan ang pili

Sumunod sa nakita
Naglaho ang tiwala
Matang walang makita
Katuparan bawat kita

Panganib ‘di alintana
Nag-ipon ng sandata
Uhaw sa kalinga
Nangarap ng sagana

Paraang minana
Dulot ma'y pagdurusa
Palitan ay tsaka na
Sakaling tama pala

Miyerkules, Mayo 27, 2015

Isang Dapit-hapon

Ang araw ay pansamantalang
Lulubog dito at doon ay gagawi
Sa kabilang dako ng daigdig
Upang liwanag niya’y ibahagi

Kasabay ng kanyang pag-ngiti
Ay ang pagsambit niya ng “hanggang sa muli”
Bilang panghuling pagbati
Sa pagpasok ang takip-silim

Ngayon, sa gabing hahalili
Ang buwan sa ulap sana’y hindi magkubli
Upang ang hiram nitong liwanag sa araw
Ay siyang ilaw sa magdamag na magsisilbi

Oh araw na nasa langit
Ilaw ka ng buong daigdig
Gabay ka ng mga tulad kong
Hindi lang minsan sa buhay ay nalihis

Bukas sa muling pagsikat mo
Ay nais kong halikan mo’ko sa pisngi
At iyong bulungan sana katulad ng lagi
Ng “magandang umaga” bilang paunang pagbati


Ngunit sa susunod mong pagdating
Kung sakali mang hindi na ako magising
Para sa mapapalad na mananatili pa
Ang siya ko na lamang hiling

Sa bawat bukang-liwayway sanang sasapit
Pag-asa ang ihandog mo mula sa langit
Upang dito sa mundong aking lilisanin
Liwanag sa bawat puso ang siyang maghahari